Feeds:
Posts
Comments

Posts Tagged ‘barefoot gen’

 Mahirap makipagpatintero sa mga umuulang firebombs,
lubhang mas mahirap na ngayong maghanap ng
pagkain—may pera ka man o wala, ang lahat ay inirarasyon
sa dulo ng desperadong digma.
______________________________________

Isa na ito sa pinakamalungkot na pilikulang mapapanood mo: paghihirap, kawalang pag-asa at kamatayan sa gitna ng isang patalong digma. Idagdag pa na ang mga pangunahing tauhan ay magkapatid na batang inulila ng giyera, mga batang ang bulnerabilidad ay tahasang pinalubha ng kawalang katiyakan. Ang isa sa pangunahing tauhan ay hindi mo makikitang nakikipaglaro sa iba pang bata sa kanilang komunidad, bagkus ay makikita mong nakikipagpatintero sa mga umuulang firebombs na inilalaglag ng mga eroplanong pandigma ng Amerika.  Mabilisang susunugin at gagawing abo ng mga firebombs ang mga tahanang aabutan nito, dahan-dahan namang tatakasan ng pag-asa upang magpatuloy sa buhay ang mga pangunahing tauhan.

Walang pag-aalinlangan ang tema nito: lubhang malupit ang giyera at dumudurog ng dignidad, tumutupok ng pag-asa at ng pumapatid ng buhay. Direkta, tapat, at hindi pinaligoy ng aksyon o pinalabnaw ng drama, ang Grave of the Fireflies ay isang emosyonal na paglalakbay pabalik sa dako ng patapos na Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa bansang Hapon. Isang pelikulang lubusang nagpakita ng miserableng pamumuhay ng mga sibilyang Hapon sa kanilang bansa noon. Isang seryosong presentasyon ng kalunos-lunos na kalagayang hindi mo kakalimutang kamuhian ang digmaan at ang mga responsible dito.

Oo nga pala, ito ay isang produksyong anime.

Gawa ng Studio Ghibli noong 1988 na idinerihe ni Isao takahata, ang pilikulang ito ay isa sa pinakaimportanteng anime sa kasaysayan na may malakas na temang anti-digma. Ang pelikulang anime na Barefoot Gen, tungkol sa halimaw na epekto ng bomba-atomika sa Hiroshima, ay may katulad na tema. Gayunman hindi ito tungkol sa litaw na tapang at lubhang-litaw na positibong katiyakan ng pananaig sa gitna ng pagkawasak at kawalang pag-asa tulad ng mensahe ng Barefoot Gen; tungkol ito sa dahan-dahang pagkaupos ng pag-asa at tuluyang pagkagupo ng paghahangad na mabuhay.

Ang bidang magkapatid na bata ay itataboy ng pagkatupok ng kanilang bayan—bunga ng atake ng mga eroplanong pandigma ng Amerika na naglaglag ng mga firebombs—upang maglakbay patungo sa lalo pang kalbaryo at kawalang-katiyakan. Ang kanilang ina ay tutupukin ng mga bomba; gayundin ang bawat tahanan na pawang mga gawa sa kahoy. Isang malinaw na pagtutulad ito sa bulnerabilidad ng buhay-sibilyan sa isang patalong digma—tila isang tahanang kahoy (na dominanteng arkitekturang hapon noon) na walang laban sa rumaragasang higanteng apoy. Dalawa na lamang sila ngayon sa buhay: isang binatilyo na mangangalaga ng apat taong gulang na kapatid na babae.

Dala ang kaunting lakas ng loob at paghahangad na makasama muli ang sundalong ama na kasapi ng Japanese navy, tutulak ang dalawa upang makitira sa kamag-anak sa kabilang bayan. Subalit ang digma ay walang katapusang malupit na inog ng pagkawasak kapwa pisikal at pampamilya; walang maasahang matibay na sandigang pamilya sa pang-araw-araw na buhay ng pakikipagbuno upang manatiling buhay. Kalaunan ay lalayasan ng dalawa ang kamag-anak pagkat hindi makakasundo sa usapin ng pagkain. Mahirap makipagpatintero sa mga umuulang firebombs, lubhang mas mahirap na ngayong maghanap ng pagkain—may pera ka man o wala, ang lahat ay inirarasyon sa dulo ng desperadong digma.

Hindi magpapagupo sa kawalang-katiyakan, titira ang dalawang bata sa isang bomb shelter sa gilid ng bundok. Sa isa sa piling tagpo ng pilikula, maiisipang manghuli ng alitaptap ng dalawang bata upang pakawalan at magsilbing ilaw sa kanilang bagong tahanan. Sureal at madyikal, kaaya-aya ang maraming alitaptap na patay-sindi sa kadiliman ng kanilang tahanan. May pag-asa bang makakita ng liwanag ng kaligtasan ang dalawang nagmamartya sa madilim na daan ng tiyak na kapahamakan?

Ang pilikulang ito ay pinalakas hindi lamang ng solidong kwento ng katotohanan, kundi lalo pa ng mahusay na animasyon. Ang mga maliliit na detalyeng mahusay na ipinakita ng ekspresyon ng dalawang bata ay kamangha-mangha ang epekto. Dalawang pares ng mga matang nakatawa at isang maluwang na ngiti na iniilawan sa dilim ng mga patay-sinding alitaptap, iisipin mong biktima din ng inosenteng edad ang dalawa. Mga walang muwang na paslit sa paligid ng laksang kapahamakang walang babalang dumadamba sa iba’t-ibang anyo . Nakamamangha din ang mayamang simbolismo ng pilikula. Ang mga alitaptap na mamamatay kinaumagahan ay tumutukoy sa maramihan at walang-habas na pagkitil ng isang digma. Ililibing naman ng batang babae—habang iniisip niya na sariling ina ang inililibing—ang mga alitaptap sa isang gawang-hukay sa harap ng bomb shelter, pagtutulad sa maramihang paglilibing ng mga biktima ng firebombs, gayundin ng minsanang pagkalunod ng maraming sundalo sa isang lumulubog na barkong pandigma ng Hapon. May ligaya nga sa aandap-andap na liwanag ng pag-asa, subalit tulad ng mga alitaptap sa bomb shelter na hindi inabutan ng umaga, ang hukay ay isang katiyakang lakbay.

Tuluyang papatiran ng pag-asa ang nakatatandang lalaki sa balitang isinuko na ng kanilang mga lider ang digmaan at lusaw na ang japanese navy, malabong may nakaligtas. Babawian naman ng buhay ang batang babae bunga ng gutom at pagtatae. Ang nakatatandang lalaki naman ay ipinakita nang namatay sa umpisa at ang kabuuan ng pilikula ay ikinuwento ng kaniyang “multo.” Lahat sila ay pawang mga alitaptap na inihatid ng digma sa libingan.

Ganap din naipakita ng pilikulang ito sa katangian ng isang digmaang pinaglabanan ng mga makapangyarihang bansa: ang walang kahihiyang paggamit ng mga naghaharing uri sa bansang Hapon sa kanyang sibilyan upang laruin at itulak ang isang digmang agresyon sa pangalan at glorya ng monarkiyang Hapon, gayundin ang walang-habas na atake at pamamaslang ng bansang Amerika sa mga sibilyan upang ipanalo ang digmaan.

“She never woke up again,” ang kuya patungkol sa pagkamatay ng nakababatang kapatid na babae.

Mananatiling gising ang mga aral at ala-ala ng ganitong uri ng digma.

Advertisements

Read Full Post »